Entries tagged with 'pagtula'

tinig mo

Saturday, November 30th, 2002

tila parang narinig ko na ang tinig mo
kahit ngayon pa lang dumapo sa aking tainga
ang tunog nito’y nakapagpapaamo
tulad ng paghehele ng isang ina
sa kanyang anak na umiiyak

tuloy tuloy ako sa pagtatanong
kung anumang lumabas sa kukute ko
para lamang maipagpatuloy
ang pagkabighani ko sa himig
ng iyong mga piling salitang pinagtugma

napapatigil ako upang malasap
ang musikang linilikha
ng iyong bawat tawa at halakhak
nagpapaalala sa akin kung paano
maging tunay na masayang parang bata

sa isang iglap biglang natapos
ang ating pagpapalitan ng mga salita
ngunit naririnig ko pa rin ang tinig mo
tulad ng isang awiting obra
umaalingawngaw sa aking isipan

pagmamadali

Tuesday, September 10th, 2002

sa ating buhay ngayon
araw araw tayong nagmamadali
gustong matapos ang lahat
ayaw ng nahuhuli

madalas nakakaligtaan
ang sariling kapakanan
mga simpleng bagay napapabayaan
ang lahat ng ito ba’y para saan?

sa atin bang pagkataranta
nararamdaman ba ang saya?
ang katuturan ba ng buhay
nalalasap natin ng tunay?

sa bawat pagmamadali
buhay natin mabilis umiikli
dahan dahan lang kaibigan
buhay ay ‘di nakikipaghabulan

bago

Tuesday, September 10th, 2002

umiikot ang mundo sa pagbabago
sa pagmulat ng ating mga mata
pagsalubong ng bagong umaga
sa pag-asa nababalot ito

pasensya na

Saturday, August 3rd, 2002

nais ko lang ako’y makilala mo,
maipamalas sa iyo kung sino talaga ako
nais ko ring makilala ka ng lubusan
ang iyong pagkatao’y maintindihan

pasensya na, napapadalas ang aking pangungulit
‘di ko gustong mainis ka sa akin
‘di ko sinasadyang ika’y mairita
pasensya na, sa iyo masyado akong natutuwa

sa iyong mga mata

Tuesday, July 16th, 2002

malalim ang dinadala ng iyong mga mata
nakakabagabag ang aking nakikita
isipa’y gulong gulo at ‘di mapakali
tila sobrang pagod na ang budhi

hindi matanto ang nangyayari sa mundo
hindi mainitindihan bakit nagkakaganito
naghahanap ng mga sagot kung saan-saan
sa walang katapusang mga katanungan

hindi ko akalaing napakasimple pala ng sagot
sa aking budhi dahan dahang nawala ang saplot
sa pamamagitan ng pasensya at pangunawa
nakita ko ang sarili at ang tunay kong mukha

nang makilala ko na ang aking tunay na sarili
nasagot ang mga katanungan pa’unti ‘unti
sa iyong mga mata nakita kung sino ako
naunawaan ang buo kong pagkatao

Isang Bata sa Mundo

Thursday, December 27th, 2001

Mapusok, mapangahas at makulit,
Nanggagalaiti ako kung magalit
Mapasaya o mapatawa ay madali
Mabilis ring malungkot at maiyak

Maraming mga tanong sa isipan ko
Sapagkat ‘di ko alam ang lahat sa mundo
Ngunit palaging bukas ang aking isipan
Sa kung anumang maaring malaman

Hindi sumusuko ng basta basta
Sa mga dumarating na problema
Lahat kakayaning harapin
Anumang bundok aakyatin

Bata pa ako sabi ng iba, marahil totoo
Ngunit tulad ng lahat ng tao sa mundo
Naghahanap rin ako ng pagkalinga,
Pag-unawa at pag-intindi ng iba

Ang aking pagkabata’y tanggapin
Kung nais mo akong makilala
Huwag rin akong ikakahon
Sa isang maling pagkilala

May sariling karakter akong nilalang
At hindi mag-iiba para sa iyo
Pagbabago ay maari lamang
Kung ikatutubo ng aking pagkatao

Sa tingin ko’y ‘di mahirap intindihin
Ang aking mga hinaing
Dumaraan naman lahat ng tao
Sa pagiging isang bata sa mundo

Bakasyon

Wednesday, December 19th, 2001

Sa wakas nagsimula na ang bakasyong sobrang ikli
Makapagpapahinga na ako ng kahit kaunti
Mula sa pag-iisip ng kung anu-ano para sa eskwela
Sana maging katuwa tuwa at hindi walang kwenta

WordPress database error: [Table 'db2173_refer.wp_ss_stats' doesn't exist]
INSERT INTO wp_ss_stats (remote_ip,country,language,domain,referer,resource,user_agent,platform,browser,version,dt) VALUES ('38.103.63.60','','en-us','','','/tags/creations/pagtula/','CCBot/1.0 (+http://www.commoncrawl.org/bot.html)','Indeterminable','Crawler/Search Engine','Indeterminable',1231290069)