tinig mo
Saturday, November 30th, 2002tila parang narinig ko na ang tinig mo
kahit ngayon pa lang dumapo sa aking tainga
ang tunog nito’y nakapagpapaamo
tulad ng paghehele ng isang ina
sa kanyang anak na umiiyak
tuloy tuloy ako sa pagtatanong
kung anumang lumabas sa kukute ko
para lamang maipagpatuloy
ang pagkabighani ko sa himig
ng iyong mga piling salitang pinagtugma
napapatigil ako upang malasap
ang musikang linilikha
ng iyong bawat tawa at halakhak
nagpapaalala sa akin kung paano
maging tunay na masayang parang bata
sa isang iglap biglang natapos
ang ating pagpapalitan ng mga salita
ngunit naririnig ko pa rin ang tinig mo
tulad ng isang awiting obra
umaalingawngaw sa aking isipan